Sa unang pagkakataon matapos ang 35 taon, binuksan muli ang crossing ng Armenia at Turkey nitong Sabado, Pebrero 11, para makapagpaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Turkey.

Sa Twitter post ng special envoy ng Turkey na si Serdar Kilic, limang truck na naglalaman ng 100 toneladang mga pagkain, tubig gamot, at iba pang emergency aid packages ang dumaan sa Alican border crossing mula Armenia papuntang Turkey para ipaabot ang mga tulong sa mga naapektuhan doon.

Pinasalamatan din ni Kilic sa kaniyang tweet ang Armenia at ang vice president ng Armenian national assembly na si Ruben Rubinyan para sa nasabing tulong.

“I will always remember the generous aid sent by the people of Armenia to help alleviate the sufferings of our people in the eartquake striken region in Türkiye,” ani Kilic.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Nagbigay naman ng tugon si Rubinyan sa tweet ni Kilic.

“Happy to have been able to assist,” aniya.

Ayon sa State news agency Anadolu na inulat ng Agence France Presse, ngayon na lang muli nabuksan ang nasabing crossing mula 1988, noong nagpaabot naman ang Turkey sa Armenia matapos itong yanigin ng lindol na kumitil ng buhay ng 25,000 hanggang 30,000 indibidwal.

Hindi nagkaroon ng pormal na diplomatikong relasyon ang Armenia at Turkey dahil din umano sa nangyaring mass killings sa Armenians noong panahon ng Ottoman Empire.

Ngunit noong Disyembre 2021, nagtalaga ang dalawang bansa ng special envoys para matulungang maging normal ang kanilang relasyon.

Noong Pebrero 2022, pinagpatuloy ng Turkey at Armenia ang kanilang unang commercial flights sa dalawang taon, ngunit nanatiling sarado ang land border sa pagitan ng mga ito mula 1993.