Ipinakilala ng Guinness World Records (GWR), ang dagang si Patrick Stewart bilang “oldest living mouse in human care” at “oldest mouse ever” dahil sa edad umano nitong 9 taon at 210 araw mula noong Pebrero 9.

Ipinanganak daw ang dagang ipinangalan sa iconic actor na si Patrick Stewart noong Hulyo 17, 2013 sa Pacific Pocket Mouse Breeding Facility sa San Diego Zoo Safari Park kung saan siya nanatili buong buhay niya.

Si Patrick ay isang Pacific pocket mouse umano na siyang pinakamaliit na uri ng daga sa North America.

Ayon sa San Diego Zoo Wildlife Alliance, ang karangalang iginawad sa kanilang daga ay tagumpay sa maliliit at hindi pinapansing mga uri ng hayop, ngunit nagbibigay rin ng mahalagang kontribusyon sa kanilang ecosystem.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Ang mga daga raw na tulad ni Pat ay mahalaga sapagkat nagagawa nilang ipakalat ang mga buto ng native plants at palaguin ang isang halaman sa pamamagitan ng kanilang paghuhukay.

“This acknowledgement is also a symbol of appreciation for species that people don’t know much about because they’re not charismatic megafauna, but are just as critical for ecosystem function. These overlooked species can often be found in our own backyards—like the Pacific pocket mouse,” pahayag ni Debra Shier, Ph.D., Brown Endowed Associate Director ng Recovery Ecology sa San Diego Zoo Wildlife Alliance.

Nalagpasan ng edad ni Patrick ang dating record holder na dagang si Fritzy, ang dagang nabuhay ng 7 taon at 225 araw mula taong 1977 hanggang 1985 at pagmamay-ari ng Bridget Beard sa United Kingdom.