Hindi inasahan ng pulisya ang agad na pagpapatawad ng banyagang turista kamakailan matapos mabiktima ng isang taxi driver na tumangay ng kaniyang maleta sa Makati.

Ang insidente ay naganap noong Lunes, Pebrero 6, ayon sa isang ulat ng 24 Oras.

Ang tangkang pagnanakaw ay naganap matapos bumaba lang saglit ang dayuhang turista para mag-inquire ng hotel sa nasabing lungsod.

Dito na dali-daling humaripas ang taxi na kalauna’y natunton pa rin ng pulisya.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

https://twitter.com/gmanews/status/1623344653230817280

Tatlong maleta na may lamang damit, laptop, $2,000 o mahigit P109,000 cash, passport at iba pang mahahalagang dokumento ang natangay sa dayuhan.

Sa follow-up operation ng awtoridad, sa Cainta, Rizal na natagpuan ang taxi, laman pa rin ang mahahalagang kagamitan ng turista. Palusot pa ng driver na nakilalang si Rudy Vihil, nakalimutan niya lang umano na ibaba ang mga gamit ng pasahero.

Sa presinto, dito na inamin ng suspek na “natukso” siya sa maaaring mapakinabangan sa pagtangay sa mga gamit ng dayuhang pasahero.

Ngunit sa halip na ihabla, isang plot twist naman ang hindi inasahan ng pulisya. Agad kasing pinatawad ng turista ang suspek.

“If God forgives him, who I am to not forgive this guy? I really want to give him second chance,” aniya sa parehong ulat ng GMA News.

Abot-abot naman na pasasalamat lang ang nasambit ni Vihil na tila natauhan naman sa ginawang krimen.

“Maling-mali ‘yung ginawa ‘ko. Talagang nagpapasalamat talaga ako kay sir. Hindi na po natin gagawin ‘yan. Pangako po kay sir yan,” anang suspek.