Flinex ng cat lover na si Sheena Leigh Cabuyaban, 24 mula sa Laoag City, Ilocos Norte, ang kaniyang mga magulang na siyang nagdidisenyo raw ng tirahan ng kaniyang na-rescue na mga pusa.

“Flex ko lang yung napaka supportive kong Nanay at Tatay sa pagiging Cat lover / rescuer ko ❤️,” ani Cabuyaban sa kaniyang post sa Facebook group na ‘CATS & KITTENS Philippines’.

Larawan mula kay Sheena Leigh Cabuyaban

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Cabuyaban na bata pa lamang siya ay mahilig na siyang mag-rescue ng mga pusa.

Dahil sa hirap ng buhay nila noon at hindi niya pa kayang buhayin ang mga nare-rescue niya, nagpursigi raw si Cabuyaban na magtrabaho agad nang makapagtapos siya ng pag-aaral noong 2018 para makapag-ipon.

“Palipat-lipat ng trabaho, basta makaipon at makabili ng pangkain ng mga rescue babies ko. 4 years akong nag-work and nag-resign ako last October 2021 para magpaka-full time rescuer,” aniya.

Dahil kapos pa sila ng pambili ng mga materyales noon para sa tirahan ng mga nare-rescue niyang pusa, dinidiskartehan daw ng kaniyang nanay at tatay ang pagtatagpi ng mga gamit nila para makabuo ng maliit na bahay para sa mga pusa.

“Napakasaya lang kasi hindi nila ako fino-force sa kung ano ‘yung gusto nilang maging ako. Bagkus ay sinusuportahan nila ako sa lahat ng bagay lalo na ‘yung pagiging rescuer ko,” saad niya.

Sa ngayon ay nasa 30 na raw ang mga pusang inaalagaan ni Cabuyaban. Dahil nakatatanggap na rin ng suporta mula ibang tao ang kaniyang adbokasiya, nabibigyan na niya ng mas maayos na buhay ang kaniyang baby cats.

Higit sa lahat, may mas maaliwalas na tirahan na raw ang mga ito na siyang dinisenyuhan mismo ng kaniyang mga mahal at supportive na fur-rents.

Larawan mula kay Sheena Leigh Cabuyaban

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!