LUCENA CITY, Quezon - Nanawagan ang pamilya ni Wilma Abulad Tezcan, 45, isa sa overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa magnitude 7.8 na lindol sa Turkey, kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tulungan silang maiuwi sa bansa ang labi nito.
Sa panayan, sinabi ng ama ni Tezcan na si William Abulad, barangay tanod sa Ilayang Dupay sa naturang lungsod, nais ng kanilang pamilya na mailibing sa Pilipinas ang kanilang anak na isang domestic helper sa Istanbul.
Nangangamba rin aniya ang kanilang pamilya na maaaring mailibing kaagad ng mga awtoridad sa Turkey si Tezcan alinsunod na rin sa tradisyon ng Muslim.Si Tezcan ay converted Islam pagkatapos pakasalan siGurol Tezcan, isang Turkish.
Ang pamilya Tezcan ay nakatira sa Istanbul, ayon kay Abulad.
Nagbabakasyon aniya si Tezcan sa lugar, kasama ang kanyang amo, nang maganap ang pagyanig.
Mismong si Gurol aniya ang tumawag sa kanila kaugnay sa insidente.
Si Tezcan aniya ang tagapagtaguyod sa limang magkakapatid at apat na taon na siyang nagtatrabaho sa Turkey.
Huling umuwi sa Pilipinas si Tezcan nitong Disyembre at bumalik sa nasabing bansa nitong Enero 9, ayon pa kay Abulad.