Niyanig ng magnitude 4.5 na lindol ang probinsya ng Cagayan nitong Biyernes ng umaga, Pebrero 10, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang nasabing lindol na tectonic ang pinagmulan kaninang 9:29 ng umaga.
Namataan ang epicenter ng lindol 12 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan, na may lalim na 008 kilometro.
Naiulat ang Instrumental Intensity II sa Pasuquin, Ilocos Norte.
Wala namang nakikita ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Wala ring inaasahang pinsalang maidudulot ng nasabing pagyanig.