Nakakumpiska na naman ng illegal drugs na mula sa France ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa DHL warehouse sa Pasay City kamakailan.
Dalawang claimant--isang lalaki at isang babae, ang inaresto sa ikinasang controlled delivery operations sa Makati City nitong Pebrero 6.
Gayunman, hindi na ibinunyag ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Sa imbestigasyon, ang naturang package na idineklarang naglalaman ng antique French phone ay dumating sa Port of NAIA nitong Enero 30.
Nang buksan, nadiskubreng naglalaman ito ng 255 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1.743 milyon.
Kaagad na nagsagawa ng delivery operation ang mga awtoridad na ikinaaresto ng dalawang consignee.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Anti-Illegal Drugs Act), at RA 10863 (Customs Modernization Act) ang dalawang suspek.