Nanawagan si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ng pagkakaisa at agarang pagtugon sa learning gaps at hindi pagkakapantay-pantay sa edukasyon sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng Southeast Asian Education Ministers para sa 52nd SEAMEO Council Conference.

“We need to act now. We cannot afford to waste more time. As education leaders, we cannot allow a single child to miss out on the opportunity and benefits of learning and the wonders of being able to use it positively,” saad pa ni Duterte sa mga miyembro ng delegasyon ng SEAMEO.

“As education leaders, we have a huge responsibility. The decisions we make today will determine the quality of life in our countries and the entire ASEAN Region, and the ripple effect in these decisions can reverberate for generations to come,” dagdag pa ng kalihim.

Nanawagan rin ang bise presidente sa lahat ng mga pinuno ng ASEAN na yakapin ang bayanihan, at hinihimok ang mga miyembro ng konseho na tugunan ang mga mahahalagang isyu ng pantay na access sa edukasyon at ang post recovery mula sa pandemya.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iprinisinta rin niya ang MATATAG Agenda ng Kagawaran, na nagbibigay-diin sa pangako ng ahensya na pagbubutihin ang kalidad ng pangunahing edukasyon sa Pilipinas.

Samantala, ipinakita ni outgoing SEAMEO council president, H.E Mr. Chan Chun Sing mula Singapore ang mga makabagong paraan ng pagharap ng mga bansa sa ASEAN sa pandemya at kung paano hinubog ng mga aral na dulot nito ang tanawin sa kanilang edukasyon.

Nabatid na ang naturang tatlong araw na kumperensiya ay may temang “Transformation through Learning Exchange: Building Resilient Systems as a Region."

Nakatakdang talakayin dito ang pagbabago ng edukasyon ayon sa hinihingi ng mga hamon na kinakaharap ng sektor, na nagmumula sa mga pinsalang dulot ng pandemyang Covid-19.

Bahagi naman ng misyon ng kumperensiya ang bigyang pansin ang pangangailangan para sa katatagan sa maraming bansa at kanilang sistema ng edukasyon. 

Ang SEAMEO ay isa sa mga plataporma kung saan ang mga kampeon sa edukasyon ay binibigyan ng pagkakataon na talakayin at ibahagi ang kanilang mga pinakamahusay na kasanayan para sa pagpapalakas ng kanilang mga sistema ng edukasyon.

Bukod pa rito, masasaksihan sa kumperensiya ang paghalal kay Duterte bilang pangulo ng konseho mula 2023 hanggang 2025.