Matapos ang pagpalag ni Cristy Fermin sa ginawang pa-blind item ni Wowowin host Willie Revillame hinggil sa sinasabing binigyan niya ng condo unit at kotse, umalma na rin dito si showbiz columnist at entertainment vlogger Ogie Diaz.
Tila si Ogie raw ang tinutukoy ni Willie na showbiz personality na binigyan niya ng ₱50,000 noon at natalo sa eleksiyon sa pagka-konsehal. Kagaya sa dalawang showbiz personalities (na ang isa nga ay si Cristy), hindi ito pinangalanan.
“May isa naman, nagmamakaawa raw ako. Nagpapaawa ako. Hindi ako nagpapaawa! Noong tatakbo kang konsehal, pumunta ka sa kuwarto ko sa Channel 2. Binigyan kita ng singkuwenta mil. Natalo ka! Kilala mo kung sino ka! Aminin mo yan! Tatlo kayong nagho-host, nagpapatawa ka."
"Baka nalimutan mo, binigyan kita ng ₱50k, tatakbo kang konsehal. That was mga year 2000. Natalo ka! Iyan ang gusto n'yo na labanan? Hindi ko ikinukuwento ito pero tinitira n'yo ako ngayon! Binigyan kita ng singkuwenta mil, tatakbo kang konsehal. Reporter ka! Sasabihin ko na lahat!"
“Gusto n'yo nang ganitong labanan? Naging mabait ako sa inyo. Wala kayong narinig sa akin. Kung ano ang kailangan n'yong tulong, ibinigay ko sa inyo!"
Sa kaniyang mahabang Facebook post ay pumalag na nga si Ogie, na kamakailan lamang ay naging paksa sa "Ogie Diaz Showbiz Update" ang mga ganap sa ALLTV.
Narito ang buong Facebook post:
"Kayo ang may utang na loob sa akin!"
"Sabeeee???!!!!"
"Sana, pagkatapos niyang manumbat ng mga naitulong at nagawa niya sa kapwa, gumaan ang pakiramdam niya. Nabunutan na siya ng tinik. 'Yung wala siyang pinagsisisihan at pinaninindigan niya kasi para sa kaniya, kailangan na niyang manumbat.
In short, sana, na-happy siya sa kaniyang ginawa. At nakaginhawa sa kaniyang mental health."
"Sino pa ang ibang nabigyan ng tulong niya? 'Yung nabigyan ng jacket diyan? Behave kayo, ha? May baon ang lolo n'yo against you pag nangyari 'yon."
"At wag kayong tatanggap ng anumang tulong o bigay o pabor, kung ayaw n'yong masumbatan balang-araw."
"Oh, by the way. 'Yung 50k cheque noon, habang ibinibigay niya sa akin ay nakikita ng mga tao sa dressing room niya. Hiyang-hiya man ako eh tinanggap ko pa rin."
"Tapos, idiniretso ko rin sa Kasuso Foundation. Naisip ko, mas kailangan ng mga breast cancer patients na itinataguyod namin ang pera kesa kailangan ko."
"Thank you, ha? Malaking tulong 'yon."
"Ha? Ako? Kung may isusumbat sa kaniya?"
"Wala. Hindi ko ugaling manguwenta. Hindi ko ugaling manumbat. Pag ginawa mo nang kusang-loob at bukal sa puso ang isang bagay, nakakalimutan mo 'yon as time goes by. Kasi nga, naturalesa mo ang magbigay at maging mabuti sa kapwa.
Alangan namang isa-isahin ko sa kaniya ang pagtatanggol ko sa kaniya noon eh ginawa ko naman 'yon nang kusang-loob at deserve naman niyang maipagtanggol."
"'Yun ba, tatapatan ko pa ba 'yon ng presyo? Hindi na."
"Kulang ang 50k. Baka abutin 'yon ng 51k," pabirong hirit ni Ogie.
Isang netizen naman ang nagsabing kay Cristy lamang daw magso-sorry si Willie.
"Di naman niya kailangang mag-sorry. Wala siyang kasalanan," sey ng showbiz columnist.
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Willie tungkol dito.