Nakapagtala muli ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng panibagong rekord sa pinakamataas na bilang ng mga pasaherong sumakay sa kanilang linya sa loob lamang ng isang araw.
Sa abiso ng MRT-3 nitong Huwebes, nabatid na umabot sa 403,128 ang bilang ng mga pasaherong napagserbisyuhan ng MRT-3 noong Miyerkules, Pebrero 8, 2023.
Ayon sa MRT-3, ito na ang pinakamataas na bilang ng mga pasaherong sumakay ng linya simula nang magbalik-operasyon sila noong Hunyo 2020, sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.
Nauna rito, iniulat ng rail line na nasa kabuuang 402,741 pasahero ang pinakamataas na naiulat ng MRT-3 na sumakay ng linya, noong Pebrero 3, 2023.
Ang MRT-3 na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, sa Pasay City hanggang sa North Avenue, sa Quezon City.