Marami ang naantig sa post ng guro na si Ysraelie Mercado, 35 mula sa Sta. Maria, Bulacan, tampok ang video ng kanilang pusa na tila kinakausap ang puntod ng kaniyang namatay ina.
Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Mercado na ang pusa sa video na si “Salsa” ay pagmamay-ari talaga ng kaniyang ina na nasawi noong Setyembre 2018 dahil sa kidney problem.
“Alaga niya si Salsa. Kuting pa lang si Salsa noon eh,” aniya.
Sa ngayon ay limang taon na raw ang nasabing pusa.
“Tuwing galing sa dialysis si nanay noon, si Salsa ay lagi nagpapa-cute sa kaniya. Alam ata nung pusa na ‘di maganda pakiramdam niya. Basta kung merong may sakit sa bahay, si Salsa e nakikibantay. Pero pinakamalapit sa kaniya si Nanay,” saad ni Mercado.
Bago mamatay ang kaniyang ina, ibinilin daw sa kanila na alagang mabuti si Salsa at ang 14 pa nitong pusa. Dahil lumisan na rin ang mahal na ama dahil sa stroke at may sariling pamilya na ngayon ang kaniyang dalawang kapatid, si Mercado na ang nagprisintang mag-alaga sa mga ito.
Sa ngayon ay 10 na lamang daw ang mga nasabing pusa dahil namatay na ang iba sa katandaan.
Ayon kay Mercado, linggo-linggo siyang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga magulang kasama ang pusa nito.
Habang kinukunan daw niya ang naturang video na nangyari lamang kanina, hindi raw mapigilan ni Mercado ang malungkot habang pinagmamasdan si Salsa na tila may sinasabi sa yumaong fur parent.
“Nakakaiyak. Iba kasi turingan po ng dalawa eh. Parang anak kasi ang turing ni nanay kay Salsa,” saad niya.
Inaalagaan daw ni Mercado sina Salsa nang maayos at may kasamang pagmamahal, tulad ng kung paano sila alagaan at mahalin ng yumaong mahal na ina.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!