Nagbigay ng reaksiyon ang direktor na si Darryl Yap tungkol sa tweet ng historyador at propesor na si Xiao Chua tungkol kay "Urduja," ang legendary warrior princess na sinasabing taga-Pangasinan.
Tungkol sa kaniyang kuwento na may twist sa kasalukuyang panahon ang itatampok sa megaseryeng "Mga Lihim ni Urduja" na pagbibidahan nina Sanya Lopez, Gabbi Garcia, Kylie Padilla, kasama pa ang nagbabalik-Kapusong si Sunshine Dizon. Ito ang sinasabing papalit sa patok na fantasy-historical drama series na "Maria Clara at Ibarra."
Ayon sa tweet ni Chua, sana raw ay hindi na lamang si Urduja ang napili nilang itampok sa serye.
"Alam ko as legend naman yung kuwento ng Urduja at fictional naman pero sana hindi na lang siya ang ginamit dahil hirap na hirap na kami ipaliwanag sa tao na si Urduja ay hindi tao mula sa Pilipinas at ang Talawisi ni Ibn Battuta ay hindi sa Pilipinas."
"Narereinforce lang nito," ayon pa sa historyador.
Sa ulat ng Balita tungkol dito, makikitang naglapag ng komento ang direktor ng "Martyr or Murderer."
"Ano raw? tinalo raw ni Urduja yung diktador?," aniya.
Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Chua tungkol dito. Matatandaang nagkainitan na ang dalawa sa kasagsagan ng isyu ng "history is like chismis" na binitiwan ng aktres na si Ella Cruz.