Matapos ang 7.8 magnitude na lindol na tumama sa Turkey at Syria, naka-high alert ngayon ang Philippine Red Cross (PRC) sakaling magkaroon ng kahalintulad na pangyayari sa bansa. 

Base sa World Risk Index 2022, nangunguna ang Pilipinas sa panganib ng disaster at vulnerable ito hindi lang sa lindol, kundi maging sa iba pang kalamidad, gaya ng pagputok ng bulkan, storm surge, mga bagyo, pagbaha at maging tagtuyot.

Tiniyak naman ni PRC Chairman Richard Gordon na handang-handa silang rumesponde sakaling magkaroon ng mass casualty incident (MCI) sa bansa.

“As auxiliary to the government, the PRC has a Mass Casualty Incident, or MCI, protocol in place. We have trained emergency medical services and psychological first aid providers across the country, and they are ready to respond to people affected by an MCI,” ayon pa kay Gordon. 

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Idinagdag pa ni Gordon na kabilang ang PRC sa mga nanguna sa pagresponde sa 7.2 magnitude earthquake sa Bohol noong 2013 at maging 7.0 magnitude earthquake sa Abra noong 2022.

Ang dalawang nabanggit na insidente ang itinuturing na pinaka mapaminsalang lindol na naganap sa bansa sa ika-21 siglo.

Nabatid na bilang bahagi naman ng kanilang paghahanda para sa malaking disaster, binisitang muli ng PRC ang preparedness protocol ng kanilang organisasyon para sa malalaking disaster base sa datos ng predicted impacts sa buhay at ari-arian ng isang high-magnitude earthquake sa Metro Manila. 

Naghahanda rin aniya ang PRC para sa logistical requirements upang kaagad na makapag-deploy ng mga rescue workers at humanitarian aid sa mga apektadong lugar kung kinakailangan.

Binigyang-diin ni Gordon na dapat na maging handa ang bansa hindi lamang sa malalakas na lindol, kundi maging sa secondary effects ng mga ito, gaya ng landslides, tsunami, at maging sa mga tagas sa mga tubo na naghahatid ng natural at iba pang mga gas.