Iniulat ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules na kabuuang 935 estudyante ang nabiyayaan ng tulong pinansiyal  ng Manila City Government.

Mismong si Lacuna ang nanguna sa distribusyon ng cash aid sa ilalim ng Educational Assistance Program (EAP) ng lungsod sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila nitong Martes, kasama sina Manila department of social welfare chief Re Fugoso at barangay chair Evelyn de Guzman.        

Ayon kay Fugoso, ang mga benepisyaryong mag-aaral ng public schools ay tumanggap ng P5,000 bawat isa at nagmula ang mga ito sa Districts 1,2,4,5 at Baseco. 

Sa kabuuan, ang halagang naipamigay sa elementary at high school students ay umabot sa mahigit P4.6 milyon.    

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Ipinaliwanag ni Fugoso na ang mga nasabing estudyante na klinasipika bilang  'under case management' ay humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod dahil sa mahirap na katayuan sa buhay at imposible sa kanilang matustusan ang mga dagdag gastusin sa kanilang pag-aaral.    

Sa kanyang mensahe, nanawagan naman si Lacuna sa mga estudyanteng tumanggap ng ayuda na paghusayin ang kanilang pag-aaral at makatapos ng kanilang edukasyon.     

"Bagama't hindi kalakihan, ang tulong na ito ay aming ibinibigay para kahit paano ay maibsan ang inyong pangaraw-araw na pangangailangan," sabi ng lady mayor na idinagdag din na sa kabila na libre ang pag-aaral sa publiko ay hindi pa rin maiiwasan ang dagdag na gastusin.    

"Meron pa ring mga tustusin na kailangang gastusan kagaya ng projects at activities ng inyong mga anak na minsan, pino-problema ninyo kung saan kukunin ang panggastos. Bagamat P5,000 lang, dalangin po namin na makatulong ito sa inyo dahil ang inyong pamahalaan, gagawin ang lahat para lamang maitawid ninyo ang pag-aaral ng inyong mga anak," dagdag pa nito.    

Muli ay umapela si Lacuna sa mga mag-aaral na mag-aral ng mabuti, dahil ang diploma ang pinakamagandang regalo sa kanilang mga magulang.        

"Mag-aral lang kayo dahil 'yan ang regalo sa inyong mga magulang na ginagawa lahat para lang matustusan ang inyong mga pangangailangan. Wala nang iba pang masaya pag kayo ay makapagtapos ng pag-aaral," ayon kay Lacuna.    

Sa kabilang banda, umapela rin si Lacuna sa mga magulang na huwag na huwag  magsasawang gabayan ang kanilang mga anak at pagsikapang ibigay ang lahat ng pangangailangan nito dahil ang pamahalaang lungsod ay nagsisikap din upang maibigay ang lahat ng kailangang tulong ng mga estudyante.