“Sibuyas, ₱200 per kilo. More orders, mas masaya ang mga magsasaka natin!”
Hinikayat ng grupo ng Maginhawa Community Pantry, sa pangunguna ng founder nito na si Ana Patricia Non, ang publiko na bumili sa kanila ng sibuyas upang matulungan ang mga magsasakang mabili ang kanilang itinanim sa tamang halaga.
Inanunsyo ng nasabing grupo ang pagbebenta ng sibuyas nitong Martes, Pebrero 7, matapos ibahagi ni Non ang kanilang pagtitinda ng ‘gulay bouquet’ sa darating na Valentine’s Day.
Basahin: ‘Gulay bouquet’, tinitinda ni Community Pantry founder Patricia Non para sa mga magsasaka
“Para sa mga interesadong bumili, ₱200 per kilo lang po at 2 kilos po ang minimum order, maari niyong i-donate ang isang kilo para sa community kitchen,” saad ng grupo ni Non.
Sa Facebook post ng Community Pantry PH, ibinahagi nila na may lumapit sa kanilang mga magsasaka ng puti at pulang sibuyas mula sa San Jose, Nueva Ecija nitong Lunes, Pebrero 6.
Kuwento raw ng mga magsasaka, patuloy raw binabarat ng mga mamamakyaw ang kanilang itinanim na mga sibuyas. Mula sa ₱80 kada kilo na inaalok daw sa kanila nitong Linggo, Pebrero 5, naging ₱40 kada kilo na lamang umano ang alok sa kanila nitong Lunes.
“Sabi ni Kuya Neil, medium size ang mga sibuyas na aanihin nila at talagang restaurant quality kaya naman hindi talaga makatarungan ang 40 pesos per kilo gaya ng gusto ng mga middleman,” pahayag nila.
“Bibilhin po natin ang mga sibuyas sa tamang halaga,” dagdag ng grupo.
Sa Sabado ng umaga, Pebrero 11, may darating daw na 1,500 kilos o 1.5 toneladang mga puting sibuyas mula sa mga magsasaka ng San Jose, Nueva Ecija na siyang ibebenta nila.
“Calling all restaurant owners, tumatanggap po kami ng bulk orders,” anang community pantry.
“More orders, mas masaya ang mga magsasaka natin,” dagdag nila.