Kung ang pagsirit ng presyo ng sibuyas ang problema kamakailan sa bansa, tila nahaharap naman sa krisis ng mataas na presyo ng itlog ang Amerika ngayon.

Ayon sa isang ulat ng Axios, umabot ng mahigit 60 percent na pagtaas sa presyo ng itlog ang naitala sa Amerika. Sa katunayan, sumirit na ito sa mahigit $4.25 kada dosena o mahigit P19.00 bawat piraso noong Disyembre 2022.

Tinitingnang pangunahing dahilan ng krisis ang avian influenza outbreak na nagsimula noong Pebrero 2022 dahilan para mamatay ang nasa 60 milyong ibon, kabilang na ang 41 milyong “commercial egg-laying hens,” anang parehong ulat ng Axios.

Kaya naman isang nakakaaliw na interaksyon ng host na si Trevor Noah ang nagpaaliw maging sa global pop star na si Taylor Swift sa naganap na 65th Grammy Awards noong Lunes.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Taylor, you have the best fans in the world. I mean what they did with Ticketmaster, what they might do for artists all over the world, what they might do for fans who wanna go to concert is amazing. I just wonder, once they’re done with this, can you get them to handle the price of eggs,” nakakaaliw na saad ng host sa prestihiyusong event, Lunes.

“There’s really nothing that they cannot accomplish. They’ll get on it, just let them know what you need,” paggatong naman sa biro ng “Midnights” star.

“Swifties, price of egss, down. You go after those chickens,” diretsa at pabirong pagtatapos ni Trevor habang napailing na lang si Taylor.

Kaniya-kaniyang reaksyon naman ng fans ang mababasa online kasunod ng viral na hirit ni Trevor. Kabilang na syempre sa mga nakigatong ang Pinoy fans.

“Swifties: nag alaga ng manok para mangitlog,” nakakatawang komento ng isang Pinoy fan.

“Pasama na po ng sibuyas, Mareng Taylor,” segunda ng isa pa.

Samantala, sa naganap na Grammy Awards 2023, si Taylor ay wagi para sa “Best Music Video” category ng kantang “All Too Well” na siya rin ang nagsilbing direktor.