Nadakip na ng mga otoridad ang isang Angkas rider na suspek sa pamamaril at pagpatay umano sa isang motorista sa Pasig City nitong Linggo matapos umano silang magtalo dahil lamang sa kanselasyon ng booking.

Sa ulat na inilabas ng Pasig City Police nitong Miyerkules, kinilala lamang ang naarestong suspek na si alyas 'Roy,' na isang Angkas rider, at residente ng Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City. 

Si Roy ang itinuturong suspek sa pamamaril at pagpatay sa biktimang si alyas 'Mark,' 37, at residente ng Brgy. San Antonio, Parañaque City.

Lumilitaw na bago ang pag-aresto ay pinagbabaril ng isang rider ang biktima sa C6 Road kanto ng Kenneth Road, sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City dakong alas-11:25 ng gabi ng Pebrero 5, 2023.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Ang biktima ay sakay umano ng isang puting Toyota Fortuner na may plate no. ZNY 404, kasama ang kanyang mga kaibigan, nang bigla na lang sumulpot ang suspek na lulan ng isang pulang NMAX motorcycle na may plate no. 404 PAX, at kaagad na pinagbabaril ang biktima.

Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis nang tumakas ang suspek patungo sa C6 Road, Taytay, Rizal.

Isinugod naman ang biktima sa Pasig City General Hospital ngunit dead on arrival na ito.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Follow-Up Section at Station Intelligence Section ng Pasig CPS, kasama ang mga elemento ng Police Station 3, ng Quezon City Police District (QCPD), ay natunton nila ang pagkakakilanlan ng suspek, na nagresulta sa pagkadakip nito sa isang follow-up operation kinabukasan din.

Ayon kay Pasig City Police chief, PCOL Celerino Sacro Jr., nakakalap ang kanyang mga tauhan ng mga video footage ng pangyayari at nakita ang deskripsiyon ng motorsiklo na ginamit sa krimen.

Sa beripikasyong isinagawa ng Station Investigation and Detective Management Section sa Land Transportation Office (LTO), natukoy nila ang pagkakakilanlan ng may-ari ng naturang motorsiklo kaya't natukoy rin ang kinaroroonan nito.

Lumitaw rin sa imbestigasyon na bago ang krimen ay nakaalitan ng biktima ang naturang suspek, hinggil sa kanselasyon ng kanilang booking dito.

Nagbanta pa umano ang suspek sa biktima at sinabing, "wag nyo akong sigawan, hindi nyo ako kilala."

Positibo rin namang kinilala ng isa sa mga testigo ang suspek, na siyang namaril sa biktima.

Narekober rin ng mga otoridad ang motorsiklo na ginamit sa krimen.

Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong murder sa piskalya.

Samantala, pinuri naman ni Sacro ang kanyang mga tauhan sa mabilis na pagresolba sa naturang krimen.