Patuloy na nakataas sa alert level 2 ang Bulkang Mayon sa Albay matapos itong makaranas ng rockfall at katamtamang pagsingaw nitong Martes, Pebrero 7, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa pagmamanman sa bulkan mula alas singko ng madaling araw kahapon hanggang alas singko ng madaling araw ngayong araw, nakapag-ulat ang Phivolcs ng isang rockfall event sa tuktok ng bulkan.
Bukod dito, naiulat din ngayong araw ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw ng usok mula sa bunganga ng bulkan na napadpad sa kanluran-hilagang kanluran.
Nananatili rin ang pamamaga ng Bulkang Mayon.
Samantala, nasa 294 tonelada ng sulfur dioxide kada araw na ang ibinuga nito mula noong Enero 18.
Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions dahil dito. Posible ring maganap pa ang rockfall mula sa tuktok ng bulkan maging ang pagdaloy ng lahar kung magkakaroon man ng matinding pag-ulan.
Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius sa Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.