Nakumpiska ng pulisya ang mahigit P400,000 halaga ng umano'y iligal na droga at naaresto ang apat na nagbebenta ng droga sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation na ginanap sa lalawigan ng Bulacan noong Linggo, Peb 5.

Sa ulat na isinumite ni Col. Relly B. Arnedo, Bulacan police director, kay Central Luzon police regional director Brig. Gen Cesar R. Pasiwen, ang unang dalawang naarestong suspek ay kinilalang sina Marohom Macabantog alyas “Ama,” 47, tubong Marawi City, naninirahan sa Barangay Tiaong, Guiguinto, at Cesar Pilapil Payao, 58, ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan.

Arestado ang dalawa sa isinagawang joint buy-bust operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 3 kasama ang mga operatiba ng Guiguinto police. Nakumpiska sa kanila ang limang plastic sachet ng shabu na tinatayang may timbang na 51.6 gramo na nagkakahalaga ng P345,800; isang piraso ng P1,000 marked money, at isang brown sling bag.

Nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga tauhan ng Marilao police sa Barangay Abangan Norte, Marilao na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga hinihinalang durugista na sina Yoej Vincent Munsayac, 23, binata, self-employed, ng Barangay Tambubong, Bocaue; at Lian Reyes Alilio, binata, self-employed, ng Guiguinto, Bulacan, parehong naninirahan sa Sta Rita, Pampanga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakuha mula kina Munsayac at Alilio ang apat na plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 7.5 gramo at nagkakahalaga ng P91,000, at dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana na may bigat na humigit-kumulang 67.4 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P61,100.

Nakumpiska rin sa mga suspek ang P1,500 marked money, boodle money, tatlong smartphone, at isang Hyundai Accent.

Dinala ang mga suspek sa Bulacan Provincial Forensic Unit.

Freddie Velez