Nananawagan ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas at Turkey ang mga Pinoy sa Turkey na naapektuhan ng pagyanig ng magnitude 7.8 na lindol nitong Lunes, Pebrero 6.

“Nag-aantay po kami ng tulong…wala pa po kasi. Sabi nila after one week pa daw po,” saad ni Caroline Cengiz, isa sa mga Pinoy sa Turkey, sa isang panayam ng ABS CBN News.

Ayon kay Cengiz, nananatili na lamang sila ng kaniyang asawa sa kanilang sasakyan matapos sirain ng malakas na lindol ang kanilang apartment. Ang iba naman daw sa kanila ay gumawa na lamang ng maliit na tent sa open area habang tinitiis ang lamig doon.

“Kailangan po namin ng tulong niyo kasi may mga Pilipino po tayo na affected. Lalo na ‘yung isang kaibigan ko na isang Pinay dito sa amin na galing lang sa sakit, kailangan niya ng blanket, patubig… Winter pa naman ngayon, sobrang lamig,” panawagan niya.

Internasyonal

Sikat na nagyeyelong Mt. Fuji sa Japan, hindi nag-snow matapos ang 130 taon

Nananawagan din si Cengiz sa gobyerno ng Pilipinas na padalhan na sana sila agad ng tulong, katulad ng mga unan, tubig, pagkain, at emergency lights.

Sa ulat ng Agence France Presse, umabot na sa 2,379 ang naitalang nasawi sa bansang Turkey nitong Lunes.

Basahin: Mga nasawi sa Turkey, Syria dahil sa magnitude 7.8 na lindol, umabot na sa mahigit 3,800

Sinabi naman ng Philippine Embassy ng Turkey na wala pa silang natatanggap na ulat na mayroon nang Pilipinong nasawi sa mga apektadong lugar ng nasabing bansa.

“The Embassy will continue to monitor the situation of the Filipinos affected by the earthquake and will stand ready to provide assistance,” anang embassy.

Dagdag nito, maaaring makipag-ugnayan ang mga Pilipinong naapektuhan ng lindol sa PH embassy sa pamamagitan ng phone number na +905345772344 o sa email na [email protected].