Kinumpirma ni Office of Transportation Security (OTS) administrator Mao Aplasca na nakitaan nila ng maraming paglabag sa kanilang polisiya ang nangyaring pagsagawa ng security screening sa K-pop group na ENHYPEN sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes, Pebrero 6.

“Hindi po iyon ang tamang procedure namin at tamang deportment ng aming screening officers diyan sa airport,” ani Aplasca sa isang panayam sa Teleradyo.

Basahin: ‘Very unprofessional!’ Staff ng NAIA, trending dahil sa ginawang security screening sa K-pop group ENHYPEN

Ayon kay Aplasca, makikitaan daw talaga ng ‘unprofessionalism’ ang babaeng security personnel dahil halatang hindi raw siya seryoso sa kaniyang ginagawa at tumitingin pa siya sa kaniyang likod habang tumatawa.

Samantala, bagama’t isinasagawa na rin sa NAIA ang pangangapkap para sa seguridad, nasa polisiya raw nila na lalaki ang dapat na magsagawa ng security screening kapag lalaki ang pasahero.

May mga pagkakataon lamang daw na babae ang kumakapkap sa lalaking pasahero kapag kulang sila sa empleyado, tulad daw ng sitwasyon sa probinsya. Imposibleng mangyari naman umano ang pagiging kulang ng security personnel sa NAIA.

Bukod dito, wala rin daw sa kanilang procedures ang pagpapatanggal ng face masks sa mga pasahero. Hinihikayat pa nga raw nila ang mga pasahero kapag dumaan sa kanilang checkpoint na magsuot ng face masks.

Sa immigration lamang umano pinatatanggal ang face masks dahil tinitingnan dito ang identidad ng mga pasaherong dumadaan.

Ayon pa kay Aplasca, magsasagawa sila ng pormal na imbestigasyon simula ngayong araw para mapagdesisyunan din kung ano ang magiging karampatang parusa ng mga nagawang paglabag sa nasabing insidente.