“Deserve natin lahat ng healthy na pagmamahal!”

Nagtitinda ng “gulay bouquet” ang Maginhawa Community Pantry founder na si Ana Patricia Non at grupo nito para sa darating Valentine’s Day kung saan ang mapagbebentahan ay gugugulin sa operasyon ng kanilang community pantry para sa mga magsasaka.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Non na ang kanilang gulay bouquet ay para sa kanilang rescue operations ng mga ani ng mga magsasaka.

“Plano po natin ituloy ang pag-connect ng farmers natin directly sa ating consumers na walang takot mabulukan ng gulay, malugi o mabarat ng traders,” aniya.

Kuwento ni Non, nakausap nila ang isang magsasaka ng puting sibuyas kung saan napag-alaman nilang ang itinuturing na mamahaling sibuyas sa Metro Manila, binibili lamang doon sa halagang P40 kahit restaurant quality pa ang mga ito.

“Abangan nyo din po sa kikitain po natin dito madadala po ang ani nila next week,” saad ni Non. “Naniniwala po kami na hindi lang dapat yung mga gulay ang dumadating sa atin dapat yung kwento din nila. Tsaka dapat lahat tayo maayos yung pagkain ng pamilya.”

Ang isang gulay bouquet na may bigat na 5-kilo ay nagkakahalaga umano ng P1,500 at P150 ang shipping fee nito sa Metro Manila.

Asahan naman daw ang pag-deliver ng mga order sa darating na Linggo at Lunes, Pebrero 12 at 13, sa dakong 10:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon.

Itinatag ni Non ang community pantry noong 2021, sa kalagitnaan ng pandemic, kung saan ipinamamalas dito ang bayanihan ng bawat indibidwal sa isang komunidad.

Kilala rin ang community pantry sa katagang: “Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan.”