Inanunsiyo ng Department of Health (DOH) nitong Martes na 80 na mula sa kabuuang 81-lalawigan sa bansa ang malaria-free na.
Sa isang pulong balitaan, iniulat ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang natitirang lalawigan na nakakapagtala pa ng mga kaso ng malaria nitong mga nakalipas na taon ay ang Palawan na lamang.
Aniya pa, karamihan sa mga lalawigan ay naideklara nang malaria-free simula pa noong 1995.
Ang mga lalawigan naman ng Cebu, Bohol, at Catanduanes ay tinukoy bilang “malaria-free historically.”
Samantala, ang mga lalawigan naman ng Oriental Mindoro, Rizal, Aurora, at Cotabato ay naideklara lamang na malaria-free noong 2022.
Ipinaliwanag naman ni Vergeire na upang maideklarang malaria-free ang isang lalawigan ay kailangang wala na itong naitatalang local transmission ng malaria sa nakalipas na limang taon.
Sa kasalukuyan aniya ay nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan ng Palawan at sa mga pribadong sektor upang makapagsagawa ng mga pamamaraan upang maideklara na ring malaria-free ang naturang lalawigan.
“Ngayon, nakikipagtrabaho tayo of course with the local government unit of Palawan so that we can achieve also this malaria-free province areas. Syempre, alam natin na it is not just mosquitos pero ‘yung environment where the mosquito thrives para ating ma-prevent ‘yung pagkalat ng transmission ng sakit na ito,” dagdag pa ni Vergeire.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang malaria ay isang life-threatening disease na dulot ng parasite na nakukuha ng tao mula sa kagat ng babaeng lamok na infected nito.