Matapos ang tatlong taong pagkahinto dahil sa Covid-19 pandemic, nakatakdang idaos muli ng Department of Education (DepEd) ang Palarong Pambansa ngayong taon.

DepEd File photo

Sa anunsiyo ng DepEd nitong Martes, nabatid na ang 2023 Palarong Pambansa ay isasagawa simula Hulyo 29 hanggang Agosto 5, 2023 sa Marikina City.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Anang DepEd, ang local government unit (LGU) ng Marikina City, DepEd-National Capital Region (NCR) Office, at Schools Division Office (SDO) ng Marikina City ang nakatakdang maging host ng naturang edisyon ng scholastic multi-sport competition.

Batay sa DepEd Memorandum No. 5, s. 2023 o The Conduct of the 2023 Palarong Pambansa, ang Division Meets ay isasagawa mula Pebrero 6 hanggang 10 habang ang Regional Meets naman ay isasagawa mula Abril 24 hanggang 28, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Palarong Pambansa Secretariat.

Bukod pa rito, ipakikilala rin ang karagdagang tier na tinatawag na Pre-National Qualifying Meet upang mabawasan ang bilang ng mga delegasyon, mapaikli ang takbo ng patimpalak, at mabawasan ang gastusin nang hindi nasasakripisyo ang laro.

Anang DepEd, tanging ang mga team sports tulad ng baseball, basketball, football, futsal, sepak takraw, at volleyball ang itatampok sa bagong tier na nabanggit.

Sa ilalim ng bagong tier, hahatiin ang delegasyon sa apat na grupo base sa kanilang geographical location.

Kabilang sa Cluster 1 ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region (CAR); sa Cluster 2 ang CALABARZON, MIMAROPA, NCR, at Bicol Region; sa Cluster 3 ang Western, Central, at Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula Region; at sa Cluster 4 ang Northern Mindanao, Davao, SOCCKSARGEN, CARAGA, at BARMM.

Ang dalawang nangungunang delegasyon naman sa bawat cluster ang magpapatuloy sa aktuwal na Palarong Pambansa.

Layon anila ng bagong competition format na maiwasan na makaabala sa klase at para maipatupad ang minimum public health at safety protocols na itinakda ng DepEd Order No. 34, s. 2022 at ibang pang kaugnay na polisiya at guidelines na inilabas.

Gagamitin sa measurable sports tulad ng athletics, swimming, at archery ang qualifying distance, time, at points na itinakda ng Palarong Pambansa.

Samantala tutuloy na sa Palarong Pambansa culminating competitions ang ibang sports na hindi nangangailangan ng qualifying standards sa pagpili ng mga atleta at hindi kinikilala bilang team sports.

Bukod sa student-athletes mula sa 17 DepEd regional athletic associations, papayagan ding lumahok sa individual sports ang mga Pilipinong atleta na naka-enroll sa mga kinikilalang paaralan sa ibang bansa sa ilalim ng Philippine Schools Overseas (PSOs).

Samantala, maglalabas ng hiwalay na memorandum ukol sa technical guidelines ng lahat ng isports na lalaruin, alinsunod na rin sa Section 27, Rule VI ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) 10588 o Palarong Pambansa Act of 2013.

Para sa karagdagan pang detalye ukol sa 2023 edisyon ng Palarong Pambansa, bisitahin anghttps://bit.ly/2023-palarong-pambansa.