Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na mahigit na sa 1.6 milyon ang mga bagong botante na nagrehistro para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hanggang nitong Lunes, Pebrero 6, 2023, umabot na sa 1,610,000 ang naitala nilang bagong botante.

Lampas aniya ito sa kanilang projection na makakapagtala ng hanggang 1.5 milyong bagong botante lamang sa voter registration na sinimulan nila noong Disyembre 12, 2022 at nagtapos nitong Enero 31, 2023 lamang.

“Hanggang kahapon (Lunes) po, 1,610,000, mga bago nating botante,” ayon kay Garcia, sa panayam sa teleradyo. “Ito po ay sumobra na sa ating projection na 1.5 million.”

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ani Garcia, nangangahulugan din ito na mangangailangan sila ng mas malaking budget para sa eleksiyon.

Dahil dito, plano umano nilang manghingi ng P3 bilyong dagdag sa pondo para sa naturang halalan.

“Pag nadagdagan ang botante, madadagdagan ang guro na maglilingkod sa bawat presinto, madadagdagan ang presinto na atin pong io-operate sa araw ng eleksyon. Lahat ng election paraphernalia madadagdagan at siyempre dagdag din po ang balotang iimprenta natin,” aniya pa.

Ang BSKE ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30, 2023.