Natimbog ng mga awtoridad ang isang Chinese at isang Indian matapos silang mahulihan ng pekeng travel documents sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan, ayon sa pahayag ng Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes.
Unang inaresto si Zhang Yang, 30, sa NAIA Terminal 2 nitong Linggo, sabi ni BI Border Control Investigation Unit (BCIU) chief Dennis Alcedo.
Natuklasang peke ang pasaporte ni Yang matapos maharang sa NAIA nang magtangkang lumabas ng bansa patungong Bangkok, Thailand sakay sana ng Philippine Airlines nitong Pebrero 5.
Bukod dito, nadiskubre rin na matagal nang blacklisted si Yang dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng pananatili nito sa bansa.
Dinakma naman sa NAIA Terminal 1 ang Indian na si Malkeet Singh, 42, matapos dumating sa bansa mula Singapore sakay ng Scoot Airline nitong Lunes ng umaga.
Napansin ng mga tauhan ng BI na peke ang Philippine arrival stamp sa pasaporte ni Singh kaya agad siyang dinampot.
Philippine News Agency