Isa sa mga napag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa kanilang radio program na "Cristy Ferminute" ay ang matagumpay na concert ni Moira Dela Torre.
Nahambing pa ito sa naidaos na concert ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga.
Sa mismong bibig ni Cristy, "pinakain ng alikabok" ni Moira si Toni pagdating sa pagiging "legit" na sold-out ng tickets. Talaga raw punumpuno ang Smart Araneta Coliseum, at sa katunayan ay nag-request pa ang ilan na kung maaaring dagdagan pa ang puwesto sa loob ng coliseum upang makapasok lamang.
Kahit daw ang likurang bahagi na malapit sa entablado ay pinakiusapan na umanong buksan na, masilayan lamang ang tinaguriang "Queen of Hugot Songs."
Ito raw ang totoong sold-out, sey ni Cristy.
"Ito po ang tunay na sold-out na masasabi, hindi ipinamigay, hindi pinakyaw para ipamigay, ito po ay binili ng ating mga kababayan sa kagustuhan nilang masaksihan talaga ang concert ni Moira Dela Torre."
Sundot naman ni Romel, ganoon daw talaga kapag alam ng mga tao na singer talaga ang magko-concert.
Tanong tuloy ni Cristy sa co-host, sinasabi ba nitong hindi legit singer si Toni?
Sey pa ni Cristy, aminin daw na marami ang pumuna kay Toni sa pag-awit nito ng sariling pinasikat ng kanta kagaya ng "Catch Me I'm Falling."
"Si Moira, sabihin na nating nakakaantok, tatlong kanta pa lang may matutulog ka na, mahihimbing ka na, hindi po! Hayan po o, punong punong punong po ang Araneta Coliseum," segunda pa ni Moira.
"Samantalang yung kay Toni, alam natin ang totoo. Dalawang araw na bokya, walang bumili di ba? Dalawang araw 'yon, tapos bigla na lang nagulat ang Araneta, biglang may pumapakyaw ng daan-daang ticket. Naku, magpakatotoo po tayo," pahayag pa ng showbiz insider.
Samantala, wala pang tugon o pahayag ang kampo ni Toni tungkol dito.