Inanunsyo ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes, Pebrero 6, na hindi matutuloy ang pagpapaso ng prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa Abril para patuloy pa ang mga itong makapamasada.

Sa pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, pinalawig daw muli sa ika-apat na pagkakataon ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeep upang masigurado na lahat ng mga tsuper ay makalahok sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

“Hindi namin gustong mayroong maiiwan kaya nais namin na kahit 95% lang ng mga dyip ang maging handa na kapag itinuloy namin ang PUV modernization program,” aniya.

Tinukoy rin ni Guadiz na 60% pa lamang ng mga jeep ang sumailalim na sa PUVMP.

National

PBBM, balik-trabaho na? 2025 Nat'l Budget, muling pinag-aaralan

Bukod dito, isinaalang-alang din daw ng ahensya ang kakulangan pa rin sa mga pampublikong sasakyan na lalong magiging problema kapag pinatigil na sa operasyon ang mga tradisyunal na jeep.

Gayunpaman, sinabi rin ni Guadiz na maaaring ilatag na nila ang nasabing programa sa mga lugar kung saan fully-modernized na ang mga pinamamasadang jeep.

“But on areas na kulang-kulang pa o wala pang modernized jeepney, we will still stick to the traditional jeepney,” ani Guadiz.

Ayon pa kay Guadiz, pinag-aaralan na raw nila ang posibilidad na magtalaga sa bawat ruta ng dalawa o tatlong kooperatiba na maaaring lapitan ng mga operator at tsuper kapag sasali sa PUVMP.

Inatasan na rin daw ni Guadiz ang lahat ng regional directors na gabayan ang jeepney drivers kung paano makasali sa nasabing programa.