Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso si suspendedBureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at iba pang opisyal at tauhan ng nasabing kawanihan kaugnay sa umano'y maanomalyang proyekto sa Davao, Leyte at Palawan.
Bukod sa kasong pandarambong, sinampahan din si Bantag ng kasong paglabag sa RepublicAct 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), malversation of public funds through falsification of official documents, at paglabag saCode of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Sa affidavit of complaint, binanggit na pina-bidding umano ni Bantag ang proyektong pagpapatayo ngDavao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan at Leyte Regional Prison na may kabuuang halaga na₱1 bilyon noong Setyembre 17, 2020.
Pineke umano ang accomplishment report kung saan 93 percent ang iniulat na binayaran sa proyekto sa Palawan. Gayunman, 57 porsyento lamang umano ang natapos.
Nasa 97 porsyento umano ang binayaran sa proyekto sa Davao kahit 59 porsyento lamang nito ang natapos.
Umabot din umano sa 80 porsyento ng proyekto sa Leyte ang binayaran kahit 47 porsyento lamang nito ang naitayo.
Pinangunahan ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang ang paghahain ng kaso sa Department of Justice (DOJ).
Kabilang din sa kinasuhan sina Correction Technical Supt. Arnold Jacinto Guzman, Correction Inspector Ric Rocacurba, Correction Inspector Solomon Areniego, Correction Technical Officer 1 Jor-el De Jesus, Correction Technical Officer 2 Angelo Castillo, at Correction Technical Officer Alexis Catindig.
Matatandaang sinuspindi ng DOJ si Bantag matapos idawit sa pamamaslang kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa sa labas ng BF Resort Village sa Las Piñas noong Oktubre 3 ng gabi.
Isinasangkot din si Bantag sa pamamaslang sa umano'y "middleman" sa pagpatay kay Mabasa na si Cristito "Jun" Villamor habang nakakulong sa National Bilibid Prison noong Oktubre 18, 2022.
Binawian ng buhay si Villamor ilang oras matapos lumantad ang self-confessed gunman na si Joel Escorial. Ayon kay Escorial, ibinunyag sa kanya ni Villamor na si Bantag umano ang nagpapapatay kay Mabasa.