Pinayuhan ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang pribadong sektor na huwag munang bumili ng Covid-19 bivalent vaccines upang maiwasan ang lalo pang pagkasayang ng mga bakuna.
“We are strongly advising the private sector at this point to just rely on the national government’s procurement so that we can prevent further wastage of our vaccines since we still have a lot of these monovalent vaccines in the country which we can use as boosters for our population,” ayon pa kay Vergeire, sa panayam sa telebisyon.
Ipinaliwanag ni Vergeire na sa ngayon nasa 26 milyon pa ng Covid-19 vaccines ang hindi pa rin nagagamit.
Sa mga naturang di pa nagagamit na bakuna, nasa 16 milyong doses ang nasa national warehouse habang ang 10 milyon pa ay naipamahagi na sa mga local government units (LGUs).
Bukod pa aniya ito sa 24 milyong doses ng bakuna na na-expired na.
Una na ring sinabi ng DOH na inaasahan nilang bago matapos ang buwan ng Marso ay darating na sa bansa ang may isang milyong doses ng bivalent Covid-19 Pfizer vaccines na donasyon mula sa COVAX facility.
Ani Vergeire, prayoridad nilang maipagkaloob ang naturang unang batch ng bivalent vaccines sa healthcare workers, senior citizens, at people with comorbidities.
Ang bivalent vaccines ay second generation vaccines na ang target ay ang Omicron variant ng Covid-19.