Napag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa February 6 episode ng "Cristy Ferminute" ang kontrobersiyal na balitang sisibakin na umano sa ere ang ilang mga self-produced programs ng ALLTV, ilang buwan matapos ang soft launching nito.
Bukod sa dati ng show na "Wowowin" ni Willie Revillame, ang ilan pa sa mga programang ipinrodyus ng ALLTV ay ang self-titled talk show ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga, ang momshie-themed show na "M.O.M. (Mhies On a Mission) nina Mariel Rodriguez-Padilla, Ruffa Gutierrez, at Ciara Sotto, at ang "Kuha All" ni Anthony Taberna.
Ang ilang mga umeereng serye ay nagmula naman sa mga dating teleserye ng ABS-CBN at TV-5.
Sa palagay ni Cristy, hindi raw dapat isisi kay Toni ang nangyayari sa ALLTV dahil empleyado lamang ito sa naturang estasyon.
Ang desisyon daw ay nagmumula sa pamunuan ng Villar-owned network.
Matatandaang naibalita na rin ang umano'y kandahirap na paghahanap ng guests sa talk show nito dahil nababahiran ng usaping politikal.
Samantala, hindi pa alam kung ano-ano ang mga susunod na hakbang ng ALLTV ngayong pansamantala munang titigil sa pag-ere ng mga nabanggit na programa.