Nanawagan ang isa sa mga "frontline star" ng Villar-owned TV network na "ALLTV" at Wowowin host na si Willie Revillame sa netizens na sa halip na kutyain at pagtawanan ang mga nangyayari ngayon sa bagong bukas na estasyon, ay ipagdasal na lamang ang pagtatagumpay nito.
Una nang napaulat sa Balita ang pagbuwelta at pagpapaliwanag ni Willie sa mga netizen na parang tuwang-tuwa pa raw sa tsikang ilang self-produced programs ng ALLTV ang pansamantalang titigil sa ere, dahil daw sa kawalan ng advertisers.
“Ito ang mga ginagawa ng programang ito. Sana hindi mawala ito kasi tumutulong ito sa gobyerno, eh. Hindi nga lang sa gobyerno, tumutulong ito sa ating mga kababayan na nangangailangan," pahayag ni Willie.
“Tapos madidinig n'yo lang na mawawala, hihinto, natutuwa kayo. Matutuwa ba kayo na may mga kababayan tayong natutulungan, mawawalan? Dapat nga, ipinagdarasal n'yo kami na magtuloy-tuloy yung programa."
“Ganoon talaga, eh. Ang dami ninyong sinasabi, ‘Buti nga sa inyo, ang yabang-yabang n'yo kasi!’ Anong ipinagyabang namin? Hindi ko ipinagyayabang itong ginawa namin na 'to. Sinasabi ko lang sa inyo, itong programang ito, it’s not about me. It’s about the program Wowowin."
Muling iginiit ni Willie na wala siyang intensiyong pumasok sa politika, at sana ay isantabi na ang usaping ito, sa nangyayari ngayon sa ALLTV.
“Wala akong kaintensiyon-intensiyong tumakbo sa pulitika. Wala ho, hindi ko ho buhay 'yan. Eto lang ako, Wowowin lang ako. Kaya ko lang ito naikukuwento, may lumalabas kasi ngayon na ang mga programa sa ALLTV, mawawala. Eh parang natutuwa pa kayo na mawawala yung mga programa na nagbibigay ng saya at tulong."
“Sana hindi ganoon. Ako naman, willing tumulong dahil sa sobrang blessed namin. You have to understand, nagsisimula pa lang po ang ALLTV. Nagsisimula pa lang kami, sanggol pa lang ito. Talagang wala pang commercial na papasok dito kasi wala pa kaming reach. Wala pa kaming signal. Sinisimulan pa lang, eh."
Nanawagan si Willie na isantabi na muna ang politika at tulungan silang ipagdasal ang ikatatagumpay ng TV network.
"Ipagdasal n'yo kami. Ipagdasal n'yo kami na maging successful ito para maraming mga istasyon na maraming magawa. Marami kayong marinig na kabutihan. Set aside n'yo yung pulitika."
Dagdag pa ni Willie, “Marami pa kayong dapat malaman sa katotohanan. It’s about the frequency, kung alam n'yo lang yung totoo. Ayoko lang ho magsalita na pangungunahan ko sila.”
Nagpaliwanag din si Willie tungkol sa pag-alis niya sa GMA Network at paglipat sa ALLTV kasama ang Wowowin upang tulungan ang mga Villar.
“Gusto ko dito ko sabihin sa inyo. Umalis ako ng GMA-7 por delicadeza. Nakasama ko ang mga Villar during the time na sila ay nagkakampanya, nandoon ako."
“Nagkaroon po ako ng Wil Tower dahil kay Senator (Manny) Villar. Ito pong tatlong lupang ito, pinaghirapan ko. Sila po ang nagpatayo nito."
"Ayaw n'yo ba na may taong umaasenso? Ganoon talaga ang buhay. Hindi lahat gusto ka. Hindi lahat matutuwa sa'yo."
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamunuan ng ALLTV/AMBS-2 hinggil sa isyu.