Isang bagong segment ang mapapanood sa regular na capital report ni Manila Mayor Honey Lacuna upang maiwas ang mga Manilenyo sa mga 'fake news’ o maling balita.

Nabatid na sa nasabing bagong segment ay sasagutin ng alkalde at pag-uusapan ang mga frequently asked questions (FAQs) o mga karaniwang tanong tuwing sila at kanyang mga kapartido ay may regular forum sa mga barangay.

Ayon kay Lacuna, ang nasabing segment ay para sa mga karaniwang tanong at concerns na ibinabato sa tuwing nagsasagawa sila ng ‘Kalinga sa Maynila’ forum kada linggo.

Ipinaliwanag nito na ang ‘Kalinga sa Maynila’ program na inilunsad niya noong nakaraang taon ay umiikot sa lahat ng barangay upang mailapit ang serbisyo ng pamahalaang lungsod nang diretso sa mamamayan ng Maynila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ito po ang aming paraan kung saan kami ay bumababa sa mga barangay para makipag-ugnayan sa mga barangay officials, senior citizens, iba’t-ibang sector gaya ng TODA, youth at NGOs,” pahayag pa ni Lacuna, nitong Linggo.

“Mismong pamahalaan na ang bumababa sa mga lugar na ito upang malaman namin ang inyong pangangailangan at ito ay matugunan,” dagdag pa niya.

Naniniwala si Lacuna na ang mga residente ng lungsod ay nagtutungo sa City Hall at naghahanap ng kasagutan sa kanilang mga problema, ngunit hindi nila alam kung saang tanggapan ito ipararating.

Sa pamamagitan aniya ng regular forum at ng bagong dagdag na segment sa kanyang capital report, ay maririnig na niya at ng kanyang mga kasamahang opisyal ng personal ang mga karaingan at katanungan ng mga residente at agad din nilang mabibigyan ng tugon ang mga ito.

“’Yung mga kadalasang tinatanong sa ‘Kalinga’ ay gusto rin naming malaman ninyo para once and for all, di na tayo malilito. Manggagaling na rin sa amin ang paraan para makaiwas sa di maakatotohanang naririnig ninyo kung kani-kanino o fake news,” aniya pa.