Upang manatiling malusog at aktibo ang mga bata o kabataan na ngayon ay laging nakaupo dahil tutok na tutok ang atensiyon sa paglalaro online, ipinapanukala na isulong at muling pasiglahin ang mga katutubong laro, gaya ng harangang-taga, tumbang preso, taguan-pong, patintero, siyato at iba pa.

Sinabi ni Paranaque City Rep. Gus Tambunting, awtor ng House Bill 6744, ang ganitong panukala tungkol sa pagsusulong sa mga katutubong laro, ay inaprubahan na noon pang 17th at 18th Congresses, pero hindi naipasa at naging batas dahil sa kakulangan ng panahon.

Iginiit ng mambabatas na talagang kailangang maisulong ang mga katutubong laro o "indigenous games" sa mga kabataang Pilipino na ngayon ay lulong na lulong sa digital games kung kaya sila ay laging nakaupo at kulang sa ehersisyo. 

Nagiging aktibo aniya ang mga bata kapag naglalaro ng patintero, tumbang preso, taguan-pong, harangang-taga at iba pa. Sa Bulacan, ang taguang-pong ay tinatawag na "kurikit" na may isang batang-taya na nakapikit muna para makapagtago ang mga kalaro. Pagdilat ng kanyang mga mata, hahanapin niya ang nagtatago upang kung sino ang unang makita, siya naman ang magiging taya.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

"Layunin ng panukala na mapanatili ang mga katutubong laro na nilaro rin ng ating mga ninuno. Sa pamamagitan ng mga larong ito, makatutulong sa mga batang Pilipino upang magtamo ng kalusugang pisikal at mental," ayon kay Tambunting.

Batay umano sa pag-aaral, ang kakulangan ng pisikal na aktibidad ang dahilan ng seryosong pagkakaroon ng sakit. Kabilang daw ito sa 10 dahilan ng kamatayan at disability, ayon sa World Health Organization.

Sa ilalim ng HB 6744, ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at ang local government units (LGUs) ay bibigyan ng kapangyarihan na magsagawa ng taunang regional at national indigenous sports competitions.