Nakapanayam ng showbiz columnist na si Ogie Diaz si dating Yorme ng Maynila at presidential candidate Isko Moreno Domagoso sa kaniyang interview vlog.

Kinumusta ni Ogie si dating Yorme kung ano na ba ang pinagkakaabalahan nito matapos ang pagbaba sa puwesto bilang alkalde ng Maynila.

Inihayag ni Isko na nagtayo siya ng "Scott Media," ang nasa likod ng kaniyang vlog na "Iskovery Night."

Nauna na niyang ma-guest dito ang big stars ng ABS-CBN na laking Maynila gaya nina Vice Ganda, Coco Martin, at Angeline Quinto.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Rebelasyon ni Isko, karamihan sa mga staff niya sa Scott Media ay mga dating empleyado ng ABS-CBN na kasama sa retrenchment noong 2020 matapos mawalan ng prangkisa.

"Happy kami kasi we provide more jobs. Lalo na 'yung kasama naming ina-outsource namin dito. 'Yung iba diyan, most of them, nawalan ng trabaho sa ABS-CBN…," ani Isko.

"Natutuwa naman kami to provide opportunity," dagdag pa niya.

Sumang-ayon naman si Ogie dahil ang ilan daw sa staff ngayon ni Isko ay mga kakilala at nakikita sa Kapamilya Network noon.

Pinasok daw ni Isko ang vlogging dahil nais niyang bumalik sa showbiz---subalit sa pagkakataong ito, nais niyang bumuo ng content naman.