Pinangalanan ng Guinness World Records (GWR) ang aso na si Bobi sa Portugal bilang pinakamatandang aso sa buong mundo dahil sa edad nitong 30 taong gulang. Ayon sa fur parent nito, maituturing na himala ang kuwento ng buhay ng kaniyang alaga.
Dalawang linggo matapos ianunsyo ng GWR na ang asong si Spike mula sa Ohio, USA ang pinakamatandang aso na nabubuhay sa buong mundo, nakatanggap sila ng ulat at ebidensya na may mas matanda pa sa kaniya.
Basahin: ‘Record holding su-paw-star’: Pinakamatandang aso sa mundo, pinangalanan
Ipinanganak noong Mayo 11, 1992, si Bobi ay nasa edad 30 taon at 266 araw na noong Pebrero 1, 2023.
“Bobi is not just the oldest dog living; he’s the oldest dog ever!” pahayag ng GWR.
“Bobi is a purebred Rafeiro do Alentejo, which is a breed of livestock guardian dog with an average life expectancy of 12-14 years,” dagdag nito.
Inirehistro raw si Bobi noong 1992 sa Serviço Medico-Veterinário do Município de Leiria (Veterinary Medical Service of the Municipality of Leiria), na siyang kumumpirma ng kaniyang kaarawan.
Pinatotohanan din ang kaniyang edad ng SIAC, isang pet database na awtorisado ng Portuguese government at pinamamahalaan ng Sindicato Nacional dos Médicos Veterinários o National Union of Veterinarians.
Ayon sa fur parent na si Leonel Costa, walong taon pa lamang daw siya nang maging alaga si Bobi. Ngayon ay 38 na si Leonel.
Nakatira sila sa isang rural village ng Conqueiros sa Leiria, Portugal.
Nang mga panahong pinanganak si Bobi noong 1992, mangangaso raw ang kaniyang ama at marami silang alagang aso na nakakasama rin nito sa gubat.
Nang manganak daw ang alaga nilang si Gira sa tabi ng kanilang bahay kung saan sila nag-iimbak ng mga kahoy, nagdesisyon ang ama niya na huwag nang buhayin ang mga anak nito dahil sa sobrang dami na ng kanilang alaga. Hindi na raw nila kayang madagdagan pa ito.
“Unfortunately, at that time it was considered normal by older people who could not have more animals at home […] to bury the animals in a hole so that they would not survive,” kuwento ni Leonel.
Sa araw na nanganak ang kanilang aso, ginawa na raw ng kanilang mga magulang ang paglibing sa tatlong tuta habang wala roon si Gira. Labis na kinalungkot naman daw ito ng batang Leonel at kaniyang mga kapatid.
Ngunit makalipas daw ang ilang araw, napapansin nilang magkakapatid si Gira na bumabalik pa rin sa lugar kung saan ito nanganak. Nang puntahan daw nila iyon, nakita nilang may isa palang tuta na natira doon. Marahil hindi raw ito napansin ng kaniyang ama dahil tila sumiksik daw ito sa gitna ng mga kahoy. Natakasan nito ang sinapit ng kaniyang mga kapatid.
“We knew that when the dog opened its eyes, my parents would no longer bury it,” ani Leonel. “It was popular knowledge that this act could not or should be done.”
Kaya naman, tinago muna raw nila ang tuta na pinangalanan nilang Bobi. Hanggang sa nang mamulat na nito ang kaniyang mga mata makalipas ang ilang linggo, doon na nalaman ng kaniyang ama.
Inamin ni Leonel na naparusahan silang magkakapatid sa ginawa nilang iyon, ngunit sabi niya, worth it naman daw ito dahil nagkaroon sila ng Bobi, ang asong nakasama niya sa pagtanda.
“Bobi is special because looking at him is like remembering the people who were part of our family and unfortunately are no longer here, like my father, my brother, or my grandparents who have already left this world. Bobi represents those generations,” ani Leonel.
Hindi naman daw lubos maisip ni Leonel na ganoon kahaba ang magiging buhay ni Bobi. Ngunit naisip niya na maaaring malaking kontribusyon nito ang pagkakaroon ni Bobi ng isang kapaligiran at tahanang payapa at malayo sa maingay na lungsod.
“I never thought of registering Bobi to break the record because fortunately our animals have always lasted for many years,” saad pa niya.
Ang nanay raw ni Bobi na si Gira ay nabuhay ng 18 taon, at ang isa pa nilang aso na si Chocote ay nabuhay naman ng 22 taon.
Bilang bagong pinakamatandang aso sa buong mundo si Bobi, nalampasan niya ang dating record holder na nagawaran halos isang siglo na ang nakalilipas. Ito ay si Bluey, isang Australian cattle-dog, na nabuhay ng 29 taon at 5 buwan mula taong 1910 hanggang 1939.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!