Nakapagtala na ng 871 aftershocks nitong Sabado, Pebrero 4, ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos yanigin ng magnitude 6 na lindol ang Davao de Oro.
Ayon sa Phivolcs, naglalaro sa magnitude 1.5 hanggang magnitude 3.6 ang nasabing aftershocks.
Nangyari ang 871 aftershocks sa Davao de Oro matapos yanigin ang probinsya ng magnitude 6 na lindol nitong Miyerkules, Pebrero 1, sa dakong 6:44 ng gabi.
Namataan ang epicenter nito dalawang kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Compostela, Davao de Oro, na may lalim na 17 kilometro.
Nakapagtala na rin ang mga awtoridad ng mga pasilidad na nasira dahil sa lindol.
Nitong Biyernes, Pebrero 3, inulat ng Department of Education (DepEd) na umabot na sa 14 eskwelahan ang nasira dahil sa nasabing pagyanig. Tinatayang ₱7-milyon umano ang kinakailangan para sa rehabilitasyon nito.
Basahin: Rehabilitasyon ng mga nasirang eskwelahan dulot ng lindol sa Davao de Oro, aabot sa ₱7-M