Kaniya-kaniyang hula ang mga netizen kung sino-sinong artista ang puwedeng tamaan sa tweet ng komedyante-direktor-scriptwriter na si John "Sweet" Lapus, hinggil sa mga artistang lumilipat ng network ngunit may pending show pa pala sa lalayasang estasyon.

Humantong sa ganitong tweet ang usapan sa social media dahil sa komento ng isang Twitter user na ang mga artistang nanggagaling sa GMA Network ay mas nagniningning at humuhusay pa sa pag-arte kapag nasa ABS-CBN na.

Ginawa nitong halimbawa ang dating Kapuso actress na si Janine Gutierrez, na nasa Kapamilya network na ngayon. Laging trending si Janine dahil sa pinag-uusapang teleseryeng "Dirty Linen" dahil kitang-kita raw ang napakahusay niyang pag-arte.

Nauso na nga ngayon ang terminong "mata-mata school of acting" dahil mga mata pa lamang ni Janine, at maging ng buong cast, ay nangungusap na.

'Mata-mata school of acting!' Janine Gutierrez, Jennica Garcia, puring-puri dahil sa 'Dirty Linen'

Pinagmulan naman ito ng iba't ibang debate mula sa loyal Kapuso at Kapamilya fans.

Isang tweet naman ang kinomentuhan ni John.

"Totoo. Yung iba magaling na talaga kaya lang lumilipat," anang netizen.

Niretweet ito ni John at saka kinomentuhan, "Lumilipat lang naman pag nganga. Pero merong lumilipat na may pending show. Mga walang utang na loob."

https://twitter.com/KorekKaJohn/status/1621212005792378880

Sundot pa ni John, puwede naman lumipat ng ibang estasyon kung "nganga" o walang nakahain o ginagawang proyekto.

Si John ay isa sa mga artistang malayang nakapagtatrabaho sa alinmang network; kung hindi man bilang artista, ay bilang direktor o manunulat ng isang sitcom o ng isang mini-series.

Sa comment section ng kaniyang tweet ay bumaha ng mga pangalan at inisyal ng mga artista na puwedeng gawing halimbawa sa mga sinabi ni John.