Trending ang bagong Villar-owned network na "ALLTV" sa Twitter hindi dahil sa bago nilang programa o paandar kundi dahil sa bali-balitang isang self-produced program nito ang pansamantala munang hihinto sa pag-ere.
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nasabihan na umano ang talents ng isang programa na pansamantala muna itong ititigil kaya nag-last taping day na ito. Nangako umano ang pamunuan ng estasyon na babayaran pa rin nila ang talent fee ng mga artistang kasama rito, bilang paggalang sa mga kontratang kanilang napagkasunduan. Lubos naman daw ang pagkaunawa ng mga empleyado tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang network, subalit siyempre, hindi naman daw maiiwasang malungkot sila.
Batay pa sa mga kumakalat na tsika, wala raw kasing gaanong ads na pumapasok sa estasyon.
Matatandaang isinagawa ang soft launch ng ALLTV noong Setyembre 13, 2022. Gamit ng ALLTV ang Channel 2, ang frequency na dating naka-assign sa ABS-CBN, noong may prangkisa pa.
Huwag nang banggitin ang inilapat na "Wowowin" ni Willie Revillame na nauna nang nagmula sa iba't ibang network, ang tatlong naiproduce talaga ng ALLTV ay self-titled talk show ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga-Soriano, ang momshie-themed show na "M.O.M (Mhies On a Mission), at ang "Kuha All" ni Anthony Taberna.
Ang ilang mga umeereng serye ay nagmula naman sa mga dating teleserye ng ABS-CBN at TV-5.
Napaulat din ang tsikang nahihirapan umano ang staff ng "Toni" na humanap ng ige-guests sa talk show.
Hindi naman nilinaw sa ulat kung alin sa mga nabanggit na programa ang pansamantalang titigbakin sa ere. Wala pang opisyal na pahayag ang ALLTV tungkol sa isyung ito.