Bumisita si Senador Risa Hontiveros sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro upang makipagpulong sa mga nagtatanim ng sibuyas at talakayin ang mga isyu tungkol sa krisis sa sibuyas at iba pang krisis sa agrikultura.
“Support our farmers. Ito ang susi para mapunan ang suplay na kailangan ng buong bansa. Unahin natin ang kapakanan ng magsasaka kaysa sa interes ng kung sino mang trader o importer,” ani Hontiveros.
Ang Occidental Mindoro ay matatagpuan sa Rehiyon 4-B, rehiyong may pinakamalaking produksyon ng sibuyas sa bansa kasama ng Region 3.
Kasama ni Hontiveros si dating Senador at Presidential Assistant para sa Food Security at Agricultural Modernization Francis “Kiko” Pangilinan noong Huwebes, Pebrero 2.
Sa kanilang konsultasyon sa mga apektadong magsasaka ng Mamburao at Bulalacao sa Oriental Mindoro, nabanggit nila kay Hontiveros ang ilang isyung kanilang kinakaharap, kabilang ang kakulangan umano ng mga pasilidad ng cold storage, na sanhi sa kanilang pagkalugi sa ani at kita.
Ipinahayag din ng mga magsasaka na hindi dapat bababa umano sa P100 kada kilo ang presyo ng sibuyas para mabawi nila ang kanilang kapital. Ilan sa kanila ay nagbenta ng ani sa halagang P8, na hadlang sa kanilang kakayahang magkaroon ng disenteng kita.
Dahil dito, hinimok ni Hontiveros ang Department of Agriculture at ang Department of Trade and Industry na magtayo ng mga bagong cold storage facility sa Mindoro, Nueva Ecija, Ilocos, at Pangasinan upang maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at tulungan silang maibenta nang mas mataas na presyo ang kanilang ani.
“We should give farmers what they need. Bago magsimula ang budget hearings ng Senado, dapat na maglabas ng plano ang DA at DTI para magkaroon na ng sapat na cold storage facilities ang ating mga magsasaka. Malaking kaluwagan ito hindi lang sa magsasaka, kundi sa mga konsyumer dahil maiiwasan na ang biglaang pagtaas sa presyo ng bilihin,“ ani Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, mahalaga rin na magkaroon ng isang microfinance program upang ang mga magsasaka na walang cash na pambayad para sa mga cold storage facility ay hindi mapipilitang ibenta ang kanilang ani sa mas mababang presyo.
“Kailangan ng mga pagbabago at reporma sa agrikultura upang hindi na ito maging dagdag-pasanin pa sa ating mga magsasaka at mamimili na nagkakasya na lang sa kakaunting puhunan at budget para buhayin ang pamilya,” pagtatapos ng Senador.