Inihain nina Senador Christopher “Bong” Go, Mark Villar, Ronald “Bato” dela Rosa at Francis ‘’Tol’’ Tolentino ang Senate Bill No.1784 o ang “Former Presidents Benefits Act of 2023” na naglalayong bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga naging Pangulo ng Pilipinas.
Sa kanilang explanatory note, sinabi ng apat na senador na kahit tapos na ang termino ng mga naging Presidente, inaasahan pa rin silang gawin ang iba pang tungkulin nila tulad ng pakikipagpulong sa foreign at local dignitaries, pagdalo sa public events at iba pang social engagements.
“These duties often require them to employ the services of personal staff and maintain private offices,” dagdag nito.
Kaya naman ang mga karagdagang benepisyo at pribilehiyo ang magiging daan umano para maisagawa nang matagumpay ang mga nasabing tungkulin.
“The bill also provides them and their immediate family security protection in order to thwart any attempt to harm them even after leaving public office,” dagdag pa nila.
Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ang bawat naging Presidente ng personal security and protection detail na bubuuin ng hindi bababa sa tatlong security personnel na ipagkakaloob ng Presidential Security Group at dadagdagan naman ng Philippine National Police (PNP) kung kinakailangan.
May karapatan ang dating Presidente na mamili ng mamumuno ng kaniyang sariling security detail.
Pagkakalooban din ng security detail, na mayroon namang hindi bababa sa dalawang security personnel, ang immediate family ng dating Presidente hanggang sa ito ay nabubuhay.
“Adequate staff provided by the Office of the President, as the case may be, to each former President. Such staff shall be selected by the former President,” dagdag ng nasabing panukalang batas.
Layon din nitong pagkalooban ng Office of the President ang bawat naging Presidente ng isang maayos na opisina sa kahit saang lugar sa Pilipinas na mapili nito.
Kung maisabatas ang Senate Bill No.1784, ang halagang kakailanganin upang maipatupad ang mga probisyon ng batas ay isasama ng Department of Budget and Management sa taunang General Appropriations Act (GAA).