Makararanas pa rin ng katamtamang pag-ulan sa Luzon nitong Sabado, Pebrero 4, bunsod ng northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magkakaroon ng kaulapan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.
Wala namang inaasahan ang PAGASA na masamang magiging epekto ng pag-ulan dito.
Samantala, magiging maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga bahagi ng Visayas, Mindanao, at Palawan na dulot naman ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, posibleng magkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.