Camp General Francisco S. Macabulos, Tarlac City -- Naaresto ng Capas Police sa kanilang entrapment operation ang 45-anyos na lalaki na sangkot umano sa online estafa sa Brgy. Estrada, Capas, Tarlac, ayon sa ulat nitong Biyernes, Pebrero 3.
Base sa ulat ni Lieutenant Colonel Neil Rainier H. Mercado, Chief of Police of Capas Police, na nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya noong Huwebes, Pebrero 2, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si "Jun," residente ng Brgy. San Agustin.
Inakusahan ng dalawang biktima ang suspek na gumagawa umano ito ng dummy account o pekeng Facebook account gamit ang pangalan at larawan ng isang biktima at nanghihiram ng P4,000.
Nalaman na lamang ng mga biktima na sila ay na-scam nang ma-realize rin nila na dummy account ang kanilang kausap. Kaya naman nagtungo agad sila sa Capas Police Station.
Nasa kustodiya na ngayon ng Capas Police at mahaharap ito sa kasong paglabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012.)