Hihintayin pa rin ng NorthPort ang kamador na si Robert Bolick na hindi pa rin pumipirma sa koponan matapos ma-expire ang kanyang kontrata nitong Enero 31.
Sinabi ni Northport team manager Pido Jarencio, umaasa ang Batang Pier na babalik pa sa kanila si Bolick upang pumirma ng kontrata.
"Hintayin lang natin siya. Basta kami, nag-submit na kami ng extension,” ani Jarencio.
Nitong nakaraang Miyerkules, hindi pa rin nagpakita si Bolick sa kanilang laro laban sa Phoenix Fuel Masters sa PhilSports Arena sa Pasig City na ikinatalo ng koponan, 108-97.
Si Bolick ay ikatlong overall pick sa PBA Rookie Draft noong 2018.
Nilinaw din ni Jarencio ang hindi pa nakumpirmang impormasyon na nasa Taiwan na si Bolick kung saan umano ito sasabak sa panibagong yugto ng kanyang basketball career.
Aniya, tanging si Bolick lamang ang makapagpapaliwanag kung bakit hindi pa ito lumalantad.
Binigyang-diin pa ni Jarencio, ginawa na ng NorthPort ang lahat ng paraan upang makapaglaro muli sa koponan si Bolick.
Sakali aniyang hindi ito matuloy, hindi na umano ito problema ng NorthPort.