Umabot na sa 819 ang nahawaan ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Quezon City noong 2022.
Paliwanag ng city government, ang nasabing bilang ay mula sa kabuuang 26,321 na sumailalim sa voluntary HIV Counseling and Testing (VCT) sa walong klinika sa lungsod mula Enero hanggang Disyembre 2022.
Depensa ng pamahalaang lungsod, tatlong porsyento lamang ng kabuuang bilang ng nagpasuri ang nakumpirmang tinamaan ng sakit.
Sa nakumpirmang nagpositibo sa sakit, 420 o 52 porsyento ang nasa edad na 25-34, 280 (35 porsyento) ay kabilang sa 15-24 taong gulang, 105 (12.9 porsyento) ay kabilang sa 35-49 taong gulang at 13 (1.6 porsyento) ay nasa edad 50 pataas.
Sa 819 na confirmed case ng HIV, 709 o 87 porsyento nito ay nai-refer na sa mga treatment hub o Link to Care at 627 o 77 porsyento ang isinailalim na sa antiretroviral therapy.
Panawagan pa ng QC government, libre pa rin ang HIV testing, counseling at sexually transmitted infection consultation.
Pinayuhan din nito ang publiko na pumunta lamang sa https://bit.ly/QCFreeHIVTest para sa karagdagang impormasyon.
Sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Disyembre 2022, nasa 1,383 ang bagong nahawaan ng sakit sa Pilipinas, bukod pa ang 65 na binawian ng buhay.
Sa kasalukuyan, nasa 107,177 na ang kaso nito sa bansa mula 1984.