CAVITE – Arestado ang tatlong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at isang sibilyan sa buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mahigit P1.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Dasmariñas City kamakailan.

Sa isang pahayag, kinilala ng Cavite Police Provincial Office (PPO) ang mga suspek na sina Corporal Christian Arjul Dayrit Monteverde, Staff Sergeant Tomas Celleza Dela Rea Jr., at Patrolman Jeru Magsalin Set, na pawang nakatalaga sa Dasmariñas City Police Station (CPS).

Naaresto rin ang isang Jorilyn Magnaye Ambrad, isang high-value na indibidwal.

Timbog ang mga suspek sa isinagawang operasyon ng pulisya noong Miyerkules, Pebrero 1.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakakuha umano ng tip ang Dasmariñas CPS na tatlo sa kanilang mga pulis ay sangkot sa iligal na droga.

Matapos ang pagpaplano at mahigpit na pagsubaybay, nagsagawa ng sting ang himpilan ng pulisya sa pakikipag-ugnayan sa Regional Police Drug Enforcement Unit 4A (RPDEU 4A), Cavite Police Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Unit 4A, PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit 4, at Philippine Drug Enforcement Agency 4A.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ay dalawang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang “shabu” na may tinatayang street value na P1,431,600; wallet na may PNP identification card; baril at bala; at isang kotse.

Una nang dinala sa RPDEU 4A ang mga naarestong suspek ngunit itinurn-over sa kustodiya ng Dasmariñas CPS kasunod ng inquest proceedings noong Huwebes, Pebrero 2.

Ipinag-utos ni Cavite PPO director Colonel Christopher F. Olazo ang agarang pagkakatanggal sa mga pulis sa kanilang unit.

“As your provincial director, I will not tolerate any member of the organization who violates the law. Those who found positive for illegal use and involvement in illegal drug trade will be sanctioned and subject for dismissal from the police service,” ani Olazo sa isang pahayag.

Carla Bauto Deña