Nagsasagawa pa rin ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang tripulante matapos umanong mahulog sa isang cargo vessel sa karagatang sakop ng Batangas kamakailan.
Sa report ng PCG, nakilala ang 22-anyos na binata na si Marnel Vincent Balaba, taga-Misamis Occidental, at nagtatrabaho bilang engine cadet ng MV Aleson Con Carrier 14.
Naiulat na bumiyahe ang nasabing barko mula sa Zamboanga City patungong Manila nang maganap ang insidente sa karagatang bahagi ng Calatagan, nitong Enero 28, ayon sa PCG.
Sa pahayag ng PCG, ilang araw na silang nagsasagawa ng operasyon, gayunman, hindi pa rin nila mahanap si Balaba.
Hindi binanggit ng PCG kung naiparating na sa pamilya ni Balaba ang insidente.