Nakaantig sa damdamin ng mga netizen ang kuwento ng isang lalaking nagpatayo ng kaniyang dream house para sa kinabukasan nila ng kaniyang girlfriend (ex na ngayon) kapag ikinasal at nagkaroon na sila ng sariling pamilya, subalit hindi na natuloy ang kaniyang balak sanang wedding proposal.
Viral ngayon sa Facebook page na "Home Buddies" ang kuwento ni "Andrew Asencio" kung saan nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa kaniyang post noong Mayo 2022.
Nagsimula na kasi ang pagpapatayo ng dream house ni Andrew para sana sa kanila ng dating kasintahan, subalit isang hindi inaasahang pangyayari ang kaniyang kinaharap.
Natuklasan niyang niloloko siya nito at may iba na habang sila pa.
Magpo-propose na raw sana siya noong Hunyo 2022 subalit hindi pa man nabubuo nang tuluyan ang tahanang sinisikap na buuin, tuluyan na itong gumuho.
"Apparently, God is good, He saved me from the wrong person before I even got into the marrying situation," saad ni Andrew sa kaniyang FB post noon.

Biro pa niya, naghahanap siya ng "the right one" na magiging co-owner na niya sa ipinapatayong bahay.
Makalipas ang ilang buwan at pagsapit ng 2023, mukhang dininig ng Diyos ang kaniyang panalangin, dahil nakilala niya ang isang babaeng karapat-dapat umanong maging kabiyak ng puso at ilaw ng tahanan sa kaniyang dream house!
"I was wrong when I chose that girl before to be part of this house. But that decision brought me closer to the one who truly deserves every bit of my hardwork. Posting it here before in home buddies was one of the BEST decisions I have made in my life because through that, I finally found the right woman for my humble home," aniya sa kaniyang update noong Pebrero 1.
"It's true when they say that every wrong person that comes into your life, brings you closer to the right one."
"Thank you mga ka-HB for all your support and comfort during those trying times and most especially thank you dahil dito ko nakilala yung nakikita kong future wife ko."

Eksklusibong nakapanayam ng Balita Online si Andrew , 32-anyos, mula sa Orion, Bataan. Isinalaysay ni Andrew kung ano ang kaniyang mga pinagdaanan at kung ano ang mas detalyadong kuwento sa likod ng kaniyang May 3, 2022 post.
"Nahuli ko siya na may lalaking iba, kasama niya sa work. Nalaman ko kasi open ang Facebook chat namin sa isa't isa, 8 months ko na halos di binubuksan yun kasi malaki tiwala ko sa kaniya. Then noong April 25, pagkauwi ko galing sa gala na walang signal naisipan ko lang na buksan yung FB chat niya. Kasi gusto ko kumustahin sino kasama niya sa lakad niya that day," salaysay ni Andrew sa Balita Online.
"Pagbukas ko ng FB chat account niya nabasa ko may ka-chat na lalaki. May 'I love you' at 'Love' pa tawagan nila. Then I decided na agad na kausapin siya April 28. Sa 3 days na yun naglabas muna ako ng sama ng loob sa friends ko dito sa Bataan, then nag-isip-isip muna…
"Tapos noong April 28 pinuntahan ko na siya sa bahay nila para sabihin yung mga nalalaman ko. Nagulat din ang parents niya at si ex-gf kasi wala silang kaalam-alam sa nalaman ko. Doon na rin ako nagpaalam nang maayos sa parents niya at doon ko na rin sinabi sa ex-gf ko na yun na ang huli naming pagkikita."
Paano siya naka-move on kaagad?
"Self-time, self-love, time sa family. Naging healthy living at naggala. Iyan ang libangan ko noong mga time na nagmo-move on ako. Siyempre palagi nagdarasal kay Lord. At ayun hindi Niya ako binigo, nagtiwala sa plans Niya, na may mas better pa palang darating sa life ko."
At nakilala na nga niya ang present girlfriend niya sa pamamagitan din ng FB page na "Home Buddies!"
"Nakilala ko siya sa Home Buddies, isa siya sa mga nag-add sa akin noong nag-trending yung una kong post. Nag-add lang siya, never siya nag-comment/pm/react sa post ko. Then dahil friend ko siya sa Facebook, may nakita akong nag-appear sa My Story niya na magandang puntahan. Tinanong ko siya at doon na nagsimula ang convo namin. Hanggang sa nag-meet kami. First meet namin sa Tagaytay."
Matapos ang ilang buwang pag-uusap ay naging sila na noong Oktubre 20, 2022.
Ano-ano ang kaniyang mga realisasyon sa kaniyang naging karanasan?
"Magtiwala lang kay Lord na akala natin eh huli na ang lahat, hindi pala… dahil meron pala Siyang mas magandang plano sa life natin, maniwala tayo sa God’s perfect time."

Sa ngayon ay masaya na ulit si Andrew at ang kaniyang bagong minamahal! Bukod dito, ang inaakala niyang "gumuhong" dream house, ngayon ay nakatindig na at magandang-maganda!
Pawang magaganda ang mensahe sa kaniya ng mga netizen sa Home Buddies, at sana raw ay sila na ang magkatuluyan.