Isasapribado na ng Department of Transportation (DOTr) ang operasyon at maintenance ng dalawang big-ticket railway projects sa bansa.

Alinsunod sa inisyatiba ng administrasyong Marcos na mapalakas pa kanilang public-private partnerships (PPP), lumagda ang DOTr at ang Asian Development Bank (ADB) nitong Huwebes ng Transaction Advisory Services (TAS) agreements para sa turnover ng operations at maintenance ng Metro Manila Subway (MMSP) at North-South Commuter Railway (NSCR) projects sa mga pribadong operator, sa ilalim ng competitive selection process.

Bukod dito, lumagda rin ang magkabilang-panig ng kahalintulad na kasunduan para naman sa modernisasyon at pagpapalawak ng kapasidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na ang operasyon ay target ding isapribado ng pamahalaan.

Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, ang naturang mga kasunduan ay hindi lamang makapagpapabilis sa pagtatapos ng mga big-ticket transport projects ng bansa, kundi makatutulong din sa pagbangong muli ng ekonomiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The three transaction advisory agreements we sign today will allow us to fast-track the completion of our ongoing big-ticket rail projects and the much-needed improvement in our country’s main airport,” paliwanag pa ni Bautista, sa signing ceremony na isinagawa sa Mandaluyong City.

Nabatid na sa ilalim ng kasunduan, ang ADB ang magkakaloob ng transaction advisory upang suportahan ang DOTr sa pagpili ng mga kuwalipikado at eksperyensiyadong mga private sector operators para sa MMSP at NSCR.

“By extending ADB’S advisory services on the Metro Manila Subway project and North-South Commuter Railway, we can fine-tune the selection process for the most qualified and experienced private sector operators of these rail projects once completed,” anang DOTr chief.

Ang advisory support ng ADB, sa pamamagitan ng kanilang Office of Public-Private Partnership, para sa pagpili ng private sector operators ng MMSP at NSCR, ay magtatagal lamang hanggang sa Disyembre 2024.

Ang MMSP ay isang 33.1-kilometrong underground metro rail system na babaybay sa Metro Manila mula Valenzuela City hanggang sa Parañaque City, na may koneksiyon sa NAIA Terminal 3 at mag-i-interoperate sa NSCR mula Bicutan hanggang Calamba sa Laguna.

Ang proyekto na may 17 istasyon ay nagkakahalaga ng P488.5-bilyon at pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Samantala, ang NSCR project naman, ay may habang 147-kilometer commuter railway at babaybay mula sa Clark, Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna.

Nagkakahalaga ito ng P873.62-bilyon at mayroon itong 35 istasyon sa alignment at three depots na matatagpuan sa Clark, Valenzuela, at Calamba.