Isang 23-anyos German-Iraqi woman ang pumatay umano ng kaniyang kamukha na nahanap niya sa social media para mapalabas na siya ang namatay at upang makapagtago sa kaniyang problema sa pamilya.
Ayon sa ulat ng Agence France Presse noong Martes, Enero 31, naghanap ang suspek na si Sharaban K., isang beautician, ng iba’t ibang babae sa social media na kamukha niya at pinangakuan ng kung ano-ano para mapapayag silang makipagkita sa kaniya.
Nang buwan ng Agosto 2022, nakilala raw niya ang 23-anyos beauty blogger na si Khadidja O. sa Instagram at doon inalukan ng cosmetics.
Napapayag niya itong makipagkita sa kaniya noong Agosto 16.
Kasama umano ang Kosovan boyfriend at 23-anyos din na si Sheqir K., mula sa Ingolstadt, Germany ay nagpunta ang suspek sa bahay ni Khadidja sa Heilbronn para sunduin ito.
Nang pabalik na sila sa Ingolstadt, doon na raw pinlano ng suspek ang pagpatay rito. Pinababa nila ang biktima sa kakahuyan at doon pinagsasaksak nang mahigit 50 beses gamit ang kutsilyo.
Pagkatapos nito, nagtuloy-tuloy sila sa Ingolstadt kung saan natagpuan ng mga pulis kinagabihan ang bangkay ng biktima sa loob ng sasakyan ng suspek.
Noong una ay inakala raw ng mga pulis at pamilya na si Sharaban ang siyang namatay. Ngunit nang isagawa ang autopsy, doon na napag-alaman na si si Khadidja ang siyang nasawi.
Naaresto na raw ng mga pulis ang suspek maging ang kasangkot na boyfriend nito.